Mahigit Php1M halaga ng hinihinalang Shabu, nasamsam ng PRO 12 sa South Cotabato; lalaki, arestado

0
32

Nasamsam ng mga operatiba ng Police Regional Office 12 ang mahigit Php1 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nagresulta sa pagkakadakip ng isang lalaking suspek sa Surallah, South Cotabato noong Hulyo 27, 2026.

Ayon kay Police Brigadier General Alan B Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, nagsimula ang insidente nang humingi ng tulong sa pulisya ang may-ari ng isang car rental business matapos matukoy sa pamamagitan ng GPS na lumihis sa idineklarang ruta ang nirentahang sasakyan.

Nang isauli ang sasakyan at isailalim sa inspeksyon, natagpuan ng may-ari sa loob ng glove compartment ang tatlong malalaking heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, kaya agad itong iniulat sa mga awtoridad.

Matapos beripikahin ng mga rumespondeng pulis ang natagpuang kontrabando, inaresto ang umupa ng sasakyan na kinilalang si alyas “Joe,” 43 taong gulang at residente ng Barangay Edwards, T’boli, South Cotabato na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nabatid na tumitimbang ang narekober na hinihinalang shabu ng 150.18 gramo na may tinatayang Standard Drug Price na aabot sa Php1,021,224.00.

“Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng ating mga mamamayan. Sa tulong ng publiko, mas magiging epektibo ang ating kampanya laban sa ilegal na droga at sa pagpapanatili ng ligtas na pamayanan.” pahayag ni PBGen Manibog.

Source: Police Regional Office 12

Leave a Reply