Mahigit 3,500 pulis at force multipliers sa PRO 3, nakaantabay para sa Oplan Balik-Eskwela 2026 sa Gitnang Luzon

0
294

Ganap nang nakahanda ang Police Regional Office 3 (PRO3) para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8, 2026 sa ilalim ng Oplan Balik-Eskwela 2026, kung saan kabuuang 3,537 tauhan ang ipakakalat sa buong Gitnang Luzon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan.

Batay sa inilatag na deployment plan, babantayan ng PRO3 ang 4,376 pampublikong at pribadong paaralan sa pamamagitan ng paglalagay ng Police Assistance Desks (PADs), pagpapatrolya, at pagtalaga ng mga force multipliers sa mga pangunahing lugar. Layunin nitong mapalakas ang police visibility at masiguro ang agarang responde sa anumang insidente.

Sa kabuuang bilang, 1,911 PNP personnel ang direktang i-de-deploy, katuwang ang 299 tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at 1,327 force multipliers. Nakatakda ring magtalaga ng 279 Police Assistance Desks, 777 mobile patrol units, at 517 foot patrol teams sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Ayon kay PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO 3, inatasan na ang lahat ng yunit na panatilihin ang maximum visibility at kahandaan sa buong panahon ng pagbubukas ng klase. “As classes resume, our police officers will be where they are needed most—along school routes, near transport hubs, and in communities—to ensure the safety of our learners and the peace of mind of parents and teachers,” aniya.

Sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, pamunuan ng paaralan, at iba pang katuwang sa komunidad, tiniyak ng PRO3 ang isang ligtas, maayos, at matagumpay na pagbubukas ng klase sa Gitnang Luzon.

Source: PRO 3

Leave a Reply