Nakahanda na ang mahigit 20,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) para sa pagpapatupad ng komprehensibong seguridad kaugnay ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026. Layunin ng PNP na matiyak ang isang ligtas, maayos, at mapayapang pagdaraos ng mahalagang pambansang kaganapan habang nananatiling tuloy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Ayon sa PNP, kabuuang 20,229 na pulis ang itatalaga sa iba’t ibang lugar bilang bahagi ng security deployment. Sa bilang na ito, 5,904 na tauhan ang naitalaga sa anti-criminality operations at iba pang regular na tungkulin upang mapanatili ang police visibility, crime prevention, at mabilis na pagtugon sa mga insidente. Samantala, 2,345 na pulis ang itatalaga sa House of Representatives, kung saan idaraos ang SONA.
Maglalagay din ang PNP ng mga karagdagang tauhan sa mga pangunahing lansangan, transport hubs, border control points, checkpoints, emergency response units, public assistance stations, at iba pang matataong lugar. Isinasagawa ang mga hakbang na ito upang mapanatili ang kaayusan, mapadali ang daloy ng trapiko, at matiyak ang agarang pagtugon sa anumang pangangailangan ng publiko bago, habang, at pagkatapos ng SONA.
Binigyang-diin ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. na hindi lamang seguridad ng SONA ang prayoridad ng organisasyon kundi maging ang patuloy na pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga komunidad. Hinimok din niya ang lahat ng mga commander at deployed personnel na pairalin ang disiplina, propesyonalismo, maximum tolerance, at paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan sa buong panahon ng operasyon.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PNP sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang na sektor upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa seguridad, traffic management, emergency preparedness, at iba pang hakbang para sa kaligtasan ng publiko. Hinihikayat din ang mga mamamayan na makiisa sa mga legal na security measures at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Sa pamamagitan ng maagap na paghahanda at koordinadong pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad, muling pinagtitibay ng Philippine National Police (PNP) ang pangako nitong pangalagaan ang kapayapaan at kaayusan ng bansa. Kaakibat nito ang patuloy na pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na naglalayong matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdaraos ng ika-5 State of the Nation Address (SONA).



