Magpapatupad ang Lokal na pamahalaan ng Maynila ng liquor at firecracker ban alinsunod sa selebrasyon ng kapistahan ni Jesus Nazareno sa darating na January 9, 2026.
Ayon sa opisyal na pahayag na inilabas ng Manila Public Information Office, pinirmahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order No. 2, Series of 2026, na nagbabawal sa lahat ng mga nakakalasing na inumin sa darating na January 9 sa loob ng 500-meter radius sa Quiapo Church maging sa mga Traslacion route.
Sa kabilang banda, pinirmahan din ni Mayor Domagoso ang Executive Order No. 3, Series of 2026, kaugnay sa ipatutupad na total ban sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga firecrackers at iba pang mga pyrotechnic devices simula January 8 hanggang January 9 sa buong lungsod.
Inanunsyo na rin ng Manila City LGU ang pagkansela ng mga klase at pasok sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan maging ng mga pampublikong opisina sa darating na Biyernes.
Nauna ng maglabas ng public advisory ang Manila Police District (MPD) ng mga temporary road closures simula alas-9 ng gabi sa darating na Huwebes, January 8, para sa Traslacion ng imahe ni Jesus Nazareno na magsisimula sa Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Magtatalaga naman ang PNP ng higit 18,000 mga tauhan na siyang naatasang magbantay sa kaayusan at kaligtasan ng aktibidad na inaasahang dadayuhin ng milyon-milyong deboto sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan umabot pa sa 8.12 million noong 2025 ayon sa Quiapo Church.
Source: https://newsinfo.inquirer.net/2163322/manila-to-enforce-liquor-firecracker-ban-for-nazareno-2026



