Limang katao, arestado sa iligal na pangingisda sa Surigao City

0
610

Naaresto ng mga tauhan ng Surigao del Norte Maritime Police Station (MARPSTA) ng PNP Maritime Group ang limang indibidwal matapos mahuli sa aktong nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Barangay Danawan, Surigao City, dakong alas-12:30 ng madaling araw ng Enero 4, 2026.

Kinilala ang mga suspek bilang sina alyas “Bern” (44), “Del” (30), “Ed” (27), “Nil” (40), at “Jun” (37), pawang mga residente ng nasabing barangay.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 86(b) ng Republic Act No.10654, o ang amended Fisheries Code of the Philippines.

Nasamsam sa operasyon ang isang bangkang de-motor, dalawang makina, air compressor na may hose, mga kagamitang pang-diving, spear gun, at humigit-kumulang anim na kilo ng sari-saring isda, na may kabuuang halaga na Php123,300.

Ang mga naarestong indibidwal at mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Surigao del Norte MARPSTA para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Patuloy ang paalala ng Maritime Group sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na paraan ng pangingisda upang mapangalagaan ang yamang-dagat at masiguro ang pangmatagalang kabuhayan ng mga mangingisda.