Pinasinayaan ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang inayos na firing range at ang Invincible Barber Shop noong Oktubre 14, 2026, sa kanilang himpilan sa Brgy. Curva, Pamplona, Cagayan. Layunin ng mga pasilidad na higit na suportahan ang kahandaan, kakayahan, at kapakanan ng mga tauhan ng yunit.
Dumalo bilang panauhing pandangal at tagapagsalita si Mr. Gilbert C. Chan, Vice President for Internal Affairs ng Company Advisory Group (CAG), habang pinangunahan ni Pastor Jackson Fuertes ang pagbabasbas. Binigyang-diin ni Mr. Chan ang kahalagahan ng maayos na pasilidad, partikular ang firing range, sa patuloy na pagsasanay at pagpapaunlad ng kakayahan, disiplina, at kahandaan ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.
Nagpasalamat naman si PMaj Jefferson D. Mukay, Acting Force Commander, sa CAG at iba pang indibidwal na nagpaabot ng suporta sa pagsasaayos ng mga pasilidad. Kabilang sa mga nag-ambag ang Hilltop Hardware at Chan para sa pintura, Dra. Maria Mercedez U. Salas para sa dalawang solar lights, at CAG Chairperson Hon. Vilmer Viloria para sa isang inverter air conditioner na ilalaan sa tanggapan ng CAG.
Samantala, magsisilbing libreng gupitan ang Invincible Barber Shop para sa mga nais magpagupit, lalo na ang mga tauhan ng PNP sa yunit. Ipinakikita ng proyektong ito ang halaga ng pagtutulungan ng kapulisan, mga katuwang sa komunidad, at CAG sa pagsusulong ng kahandaan at kapakanan ng mga pulis, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company

