Arestado ng pulisya ang lalaking walang habas na nagpaputok ng baril sa Purok Mabuhay 2, Barangay Carpenter Hill, Koronadal City, South Cotabato noong ika-17 ng Abril 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Hoover T Antonio, Hepe ng Koronadal City Police Station, ang suspek na si alyas “Joey”, 39, walang asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay PLtCol Antonio, bandang ala-una ng hapon nang isang concerned citizen ang nagreport sa kanilang tanggapan patungkol umano sa pagpapaputok ng baril ni Joey kaya mabilis itong nirespondehan at agarang inaresto.
Nakumpiska mula sa nahuling indibidwal ang isang unit ng homemade 12-gauge shotgun, 31 bala ng M16, apat na bala ng 12-gauge shotgun, dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 5 gramo na may Standard Drug Price na Php34,000, at mga drug paraphernalia.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Minsan na namang napatunayan ng kapulisan ang mahigpit na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad kaya’t sinumang lalabag ay tiyak na matitimbog agad.
Panulat ni Kherwin Jay Medelin