Naaresto ng mga operatiba ng Dasmariñas Component City Police Station ang isang lalaki matapos umanong magbenta ng iligal na baril sa isinagawang anti-illegal firearms operation sa Dasmariñas City, Cavite bandang alas-10:10 ng gabi noong Miyerkules, Abril 15, 2026.
Kinilala ni PLtCol Mac Arthur Mercader, hepe ng Dasmariñas CCPS, ang naarestong suspek na si alyas “Patrick,” na residente rin ng nasabing lungsod. Ayon sa pulisya, matagal nang minamanmanan ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng mga hindi lisensyadong baril.
Sa ulat ng Dasmariñas CCPS, naaresto ang suspek matapos niyang maibenta ang isang caliber .38 revolver o “paltik” sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng halagang Php500. Naging maayos at mabilis ang operasyon sa tulong ng maingat na pagpaplano ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan sa lugar.
Narekober mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number, isang bala ng caliber .38, isang tunay na P500 bill, dalawang piraso ng boodle money na ginamit bilang marked money, at isang kulay abong sling bag. Ang pagkakasamsam ng naturang armas ay itinuturing na mahalagang hakbang upang maiwasan ang posibleng paggamit nito sa krimen.
Agad ding ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Rights at ng Anti-Torture Law bilang bahagi ng pagsunod ng PNP sa tamang proseso ng pag-aresto. Ipinapakita nito na bukod sa pagiging mahigpit sa pagpapatupad ng batas, nananatili ring propesyonal ang kapulisan sa paggalang sa karapatang pantao.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Binigyang-diin ni PCol Ariel Red, Cavite Police Provincial Office Director, na magpapatuloy ang pinaigting na kampanya ng PNP laban sa iligal na armas upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng mamamayan.
“Our intensified campaign against illegal firearms continues to ensure the safety of our community. We will not stop conducting operations against lawbreakers,” ani PCol Red.
Source: https://www.manilatimes.net/2026/04/17/regions/man-nabbed-for-selling-gun-in-dasmarinas/2321874



