Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki dahil sa ilegal na pagdadala ng baril sa isinagawang foot patrol operation bandang 1230 ng madaling-araw noong Hunyo 29, 2026 sa Meycauayan Market Mainmart, Brgy. Zamora, City of Meycauayan, Bulacan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Melvin M Florida Jr., Chief of Police ng Meycauayan CPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias “JM”, 22 taong gulang, residente ng Brgy. Perez, City of Meycauayan, Bulacan.
Nabatid na habang nagsagawa ng foot patrol o roving ang mga awtoridad, napansin na may nakausling baril sa baywang ng suspek habang ito ay nakahiga sa isang kahoy na upuan. Nang hingan ng mga kaukulang dokumento para sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril, nabigo itong magpakita ng anumang legal na papeles kaya agad itong inaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang Jericho 941 PSL 9mm pistol na may serial number 47302260 at 14 na bala ng caliber 9 mm.
Patuloy namang pinapaigting ng Meycauayan PNP ang kampanya laban sa ilegal na baril at kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa ilalim ng adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”



