Mabilis na sumaklolo ang mga tauhan ng Lagawe Municipal Police Station (MPS) sa isang lalaking nasangkot sa aksidente sa motorsiklo habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya sa Banao, Poblacion South, Lagawe, Ifugao noong Setyembre 26, 2026.
Sa pamumuno ni Police Captain Brenda B. Sumawang, Acting Chief of Police, agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at sinuri ang kalagayan ng biktima na nagtamo ng mga pinsala. Kaagad itong binigyan ng paunang lunas bago isinakay sa police vehicle at isinugod sa Ifugao General Hospital para sa kaukulang medical assessment at karagdagang medikal na atensyon.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng Lagawe MPS ang mga motorista na palaging mag-ingat, sumunod sa mga batas at alituntunin sa trapiko, at manatiling mapagmatyag sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente.
Patuloy namang nakahandang rumesponde ang Lagawe MPS at maghatid ng agarang tulong sa mga mamamayang nangangailangan, bilang bahagi ng pagsisikap nitong pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP Lagawe MPS

