Sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Crising, hindi nagpatinag ang mga tauhan ng Police Regional Office Cordillera (PRO CAR) sa kanilang tungkulin na maging alerto sa anumang banta ng nasabing bagyo at nanguna sa paghatid ng serbisyo para sa kaligtasan ng publiko noong ika-19 ng Hulyo 2025.

Nanguna si Police Colonel Ruel D Tagel, City Director ng Baguio City Police Office, sa pagsasagawa ng mobile patrol, water level monitoring at house-to-house visits sa mga lugar na bahain upang makapagbigay agad ng abiso sa publiko sakaling kailanganin ang agarang evacuation.


Sa evacuation operations, inalalayan naman ng mga nasabing tauhan katuwang ang ibang ahensya ang mga residente mula sa mga lugar na madaling bahain patungo sa mas ligtas na lugar kung saan pansamantala silang manunuluyan para sa kanilang kaligtasan.


At bilang tugon sa epekto ng bagyo, nakibahagi rin ang kapulisan sa road clearing operations katuwang ang ibang ahensya at mga boluntaryo kung saan matagumpay nilang naalis ang mga harang sa kalsada dulot ng landslide at malalakas na hangin na nagbigay-daan sa ligtas na daanan para sa mga responder at mamamayan.

Sa kabila ng hamon ng kalikasan, nanindigan ang mga kapulisan ng PRO CAR na maging sandigan ng mamamayan. Ang kanilang sama-samang pagkilos ay patunay ng kanilang dedikasyon sa tungkulin, malasakit sa kapwa, at ang paninindigan na walang iwanan sa oras ng sakuna.


Panulat ni Patrolwoman Melba Langbis



