Sa patuloy na pagkilala sa mga natatanging lingkod-bayan, kinilala ang ilang opisyal at programa ng Philippine National Police (PNP) sa ginanap na Diamond Excellence Awards 2026 sa Grand Ballroom ng Seda Hotel Nuvali sa Santa Rosa City noong Mayo 29, 2026. Ang prestihiyosong parangal ay nagbigay-pugay sa mga indibidwal at programang nagpakita ng kahusayan sa larangan ng serbisyo publiko, komunikasyon, at kaligtasan ng bawat komunidad.
Kabilang sa mga ginawaran bilang “Woman of the Year in Public Service” sina PBGen Portia B. Manalad, Director ng PNP Health Service; PBGen Vina H. Guzman, Director ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG); PBGen Maria Shiela T. Portento, Chief ng Women and Children Protection Center (WCPC); PLtCol Brenda O. Garcia ng Information and Communication Development Division (ICDD), PCADG; PCPT Cherry T. Vicente ng TV/Radio Production Section ng ICDD, PCADG; at PLT Kristine Marticio ng Complaint Referral and Monitoring Center (CRMC), PCADG. Samantala, kinilala naman si PCol Alex M. Apolonio, Chief ng CRMC, PCADG, bilang “Man of the Year in Public Service.”
Tinanghal din si NUP Loreto B. Concepcion ng ICDD bilang “Man of the Year” at “Animal Welfare Hero of the Year” bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa pagsusulong ng kapakanan ng mga hayop at responsableng paglilingkod sa publiko.
Hindi rin nagpahuli ang mga programang nagtataguyod ng impormasyon at serbisyong pampubliko ng PNP. Pinarangalan ang “Pulis @ Ur Serbis” ng Public Safety Action Award, ang “Sumbong N’yo Aksyon Agad” ng Outstanding Public Service Award, at ang Pulis News Network (PNN) ng Media Excellence in Law Enforcement Award dahil sa kanilang mahalagang papel sa pagpapalawak ng kaalaman at pakikipag-ugnayan sa mamamayan.
Sinasalamin ng mga pagkilalang ito ang patuloy na pagsisikap ng PNP na paigtingin ang ugnayan sa komunidad at itaguyod ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Ang tagumpay ng mga opisyal at programa ng PNP ay patunay ng kanilang propesyonalismo, malasakit, at kahusayan sa tungkulin—kaakibat ng adhikain ng organisasyon na isabuhay ang mantra ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa mas ligtas, maayos, at maunlad na bansa.
Source: PCADG



