Pormal na inamyendahan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ang ilang mga probisyon ng 2018 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10591 o mas kilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act”, sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines upang tugunan ang pamamahala ng Confiscated, Captured, Surrendered, and Recovered (CCSR) Firearms and Ammunition.

Opisyal na nilagdaan ni PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil ang pag-amyenda noong Enero 10, 2025 na nagpapahiwatig ng isang mahalagang hakbang tungo sa pag-streamline ng mga prosesong may kaugnayan sa firearm management ng AFP.

Ang AFP, sa pamamagitan ng Joint Peace and Security Coordinating Center (JPSCC) Logistics Cell, ay naghayag ng saloobin sa PNP hinggil sa panukala para sa pamamahala at pag-dispose ng kanilang CCSR firearms. Opisyal na umapela ang pwersang military, sa liderato ni Chief of Staff General Romeo S Brawner Jr., na ang mga CCSR firearms na kasalukuyang nasa kanilang pangangasiwa ay dapat manatili sa loob ng kanilang saklaw at hindi na kailangang ipasakamay sa Philippine National Police, partikular na ang Firearms and Explosives Office (FEO) na pangunahing regulatory body na nangangasiwa sa pagmamay-ari at tamang paghawak ng mga nasamsam na baril.
Kasama sa binagong mga probisyon ang Seksyon 3.14 ng 2018 Revised IRR ng RA 10591, na nagpapalawak ng kahulugan ng mga nakumpiskang baril kasama ang mga nahuli, nakumpiska, isinuko, at narekober ng AFP; Seksyon 37.1.1 na pinapayagan ang AFP na pamahalaan at itapon ang mga baril at bala na nakuhanan, kinumpiska, isinuko, at nabawi nila; Seksyon 42.1 na nagtatalaga sa AFP na pangasiwaan ang pamamahala at disposisyon ng CCSR na mga baril at bala, napapailalim sa pagsunod sa mga pamamaraan ng forensic at pagsusumite ng mga kinakailangang ulat sa FEO; at Seksyon 42.4 na nagbibigay-diin sa koordinasyon sa pagitan ng AFP at PNP Forensic Group para sa pamamahala at pagtatapon ng mga baril at bala ng CCSR ayon sa itinatag na mga alituntunin.
Ang pag-amyenda ng ilang probisyon ay nangangahulugan lamang na ang Pambansang Pulisya ay gumagawa ng mga hakbang upang palakasin ang kapayapaan at seguridad sa buong bansa.