Matagumpay na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) ang Culminating Activity ng 31st Police Community Relations (PCR) Month noong Hulyo 30, 2026 sa Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City, bilang pagkilala sa mga natatanging pulis, yunit, at mga stakeholder na patuloy na nagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at mamamayan.
Sa temang “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maasahan, at Nararamdaman ng Bayan,” binigyang-diin ng programa ang mahalagang papel ng pagkakaisa at aktibong pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Pinangunahan ni Police Major General Wilson Joseph F. Lopez, Officer-in-Charge ng Office of the Deputy Chief PNP for Operations (ODCO), ang seremonya bilang kinatawan ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang higit pang mapaigting ang tiwala ng publiko at maisulong ang mas ligtas at mapayapang mga komunidad.
Isa sa mga tampok ng programa ang paggawad ng parangal sa mga natatanging stakeholder at organisasyong naging katuwang ng PNP sa pagsusulong ng epektibong police-community relations. Kabilang sa mga kinilala ang Police Community Affairs and Development Group (PCADG), PNP Officers Ladies Club Foundation Incorporated (PNP OLCFI), Bless Our Cops, Incorporated, at ang Pamahalaang Bayan ng La Trinidad, Benguet sa ilalim ng PRO CAR dahil sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapalawak ng suporta ng komunidad sa kapulisan.

Pinarangalan din ang mga indibidwal na nagpakita ng kahusayan sa larangan ng Police Community Affairs and Development (PCAD). Kabilang sa mga ginawaran sina PCol Emelie D. Santos, PLtCol Ryan Jay R. Capurcos, PCMS Vanessa DG. David, PCpl Henzel O. Lubong, at NUP L’Avern B. Otto-Ayrani bilang pagkilala sa kanilang natatanging paglilingkod at dedikasyon sa pagpapatibay ng ugnayan ng PNP at ng mamamayan.
Kinilala rin ang mga natatanging opisyal at kawani sa ilalim ng Directorate for Police Community Relations (DPCR). Ginawaran sina PCol Boots M. Aseo, PMaj Vivianne A. Reyes, PLt Rodel T. Suguitan, PMSg Lienalyn A. Ujano, NUP Reynaldo K. Eparwa, at NUP Ritzel L. Alibio bilang pagkilala sa kanilang propesyonalismo, husay sa serbisyo, at mahalagang ambag sa pagpapalakas ng mga programang pangkomunidad ng PNP.
Samantala, itinanghal namang Outstanding Regional Community Affairs and Development Division ang Police Regional Office CALABARZON (PRO 4A), Outstanding Police Community Affairs and Development Police Provincial Office ang Cavite Police Provincial Office, PRO 4A, at Outstanding PCAD City/Municipal Police Station ang La Trinidad Police Station ng PRO CAR.
Muling pinagtibay ng pagtatapos ng ika-31 Police Community Relations Month ang mahalagang papel ng pagkakaisa ng kapulisan, mga stakeholder, at ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Sa pamamagitan ng pagkilala sa mga huwarang lingkod-bayan at katuwang ng PNP, patuloy na isinusulong ang adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na nagbibigay-diin sa tapat at makatarungang paglilingkod para sa bawat Pilipino.
Source: PCADG



