Hinihinalang shabu at baril, nakumpiska sa Checkpoint Operation ng General Santos City PNP

0
309

Nakumpiska mula sa isang lalaki ang isang .45 caliber pistol, mga bala, at hinihinalang shabu sa ikinasang checkpoint operation ng mga awtoridad sa Brgy. Sinawal, General Santos City, dakong 6:30 ng umaga noong Oktubre 16, 2026.

Kinilala ni Police Brigadier General Alan B Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang suspek na si alyas “Borj,” na nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Labangal, General Santos City.

Nabatid na naharang ng mga tauhan ng General Santos City Police Station 2 dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na protective helmet. Sa halip na huminto, pinaharurot nito ang motorsiklo at tumakas, dahilan upang magsagawa ang mga pulis ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Narekober mula sa gray belt bag ng suspek ang isang .45 caliber pistol, isang magazine na may apat na bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang pitong gramo ang kabuuang timbang na nagkakahalaga ng Php47,600.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code, Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

“Ang bawat checkpoint ay panangga para sa kaligtasan ng publiko. Hindi tayo titigil sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga, loose firearms, at anumang gawaing naglalagay sa panganib sa ating mga kababayan.” ani ni RD Manibog.

Source link: https://www.facebook.com/share/p/1FF6Q34tXo/

Leave a Reply