Higit Php16M shabu, kumpiskado ng PNP sa iba’t ibang anti-illegal drugs operations

0
852
Screenshot

Tinatayang nasa mahigit Php16 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang matagumpay na nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang anti-illegal drugs operations sa Pampanga, Cebu, Iloilo, Rizal, at Catanduanes simula May 11 hanggang May 12, 2026.

Kabilang sa nasabing mga operasyon ang isinagawa sa loob ng Clark Freeport Zone sa Pampanga nito lamang May 11, kung saan naharang ang isang abandonadong inbound parcel na naglalaman ng 974 grams ng shabu na may halagang aabot sa Php6.6 million.

Sa parehong araw sa Mandaue City, Cebu, naaresto ang isang High-Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation kung saan narekober ang nasa 500 grams ng shabu na nagkakahalaga ng Php3.4 million.

Habang aabot naman sa 254 grams ng shabu na may estimated value na Php1.7 million ang narekober mula sa isa pang HVI sa Estancia, Iloilo.

Samantala, naaresto naman ng mga operatiba sa Taytay, Rizal ang isang drug suspect nitong May 12 matapos makuhanan ng nasa 180 grams ng shabu na nagkakahalaga ng Php1.2 million.

Sa Virac, Catanduanes naman, naaresto ng mga joint anti-drug operatives ang dalawang HVI na nagresulta sa pagkakumpiska ng 500 grams na shabu na nagkakahalaga ng Php3.4 million.

“Patuloy nating palalakasin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon, maingat na operasyon, at paggalang sa karapatan ng bawat isa. Hindi tayo titigil hangga’t may mga ilegal na gawain na naglalagay sa panganib sa ating mga komunidad,” pagtiyak pa ni Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ang naarestong mga suspek at ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay agad na itinurn over sa mga nararapat na awtoridad para sa karagdagan pang mga dokumentasyon at legal na disposisyon.

Muli namang pinatunayan ng PNP ang kanilang walang humpay at agresibong mga operasyon kontra sa lahat ng ilegal na aktibidad lalong-lalo na sa ilegal na droga sa ilalim ng adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”

Leave a Reply