Cebu – Walang takas sa mga awtoridad ang high value drug suspek at dalawa pang kasama nito makaraang maaresto at makumpiskahan ng nasa higit Php1.5 milyong halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng Mandaue City PNP sa Purok 2, Cubacub, Mandaue City, Cebu, noong Sabado, Setyembre 9, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Maribel Getigan, Acting City Director ng Mandaue City Police Office, ang mga naaresto na si “Robert”, 47, residente ng 386 Lucio Lopez Drive, Brgy. Calamba, Cebu City, subject ng operasyon at ang mga kasamang sina “Ruel”, 28, residente ng Jubay, Liloan, Cebu, at “Eugene”, 42, residente ng Maneo, San Remegio, Cebu.
Inilunsad ang operasyon ng mga operatiba ng Police Station 6, MCPO bandang alas-11:15 ng hapon nang nasabing araw kung saan nasamsam ang tinatayang nasa 225.60 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php1,534,080, buy-bust money, isang belt bag, at cash na Php2,000.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng mga lehitimong impormasyon at patuloy na kooperasyon ng komunidad sa pagsugpo ng problema sa ilegal na droga.
Muli namang nagbigay babala si Police Brigadier General Anthony Aberin, Regional Director ng PRO 7, sa mga personalidad na patuloy sa paggawa ng ilegal na aktibidad.
“How many times do we need to warn these unscrupulous individuals to stop engaging themselves in illegal drugs? If you remain defiant, you will end up in jail for the rest of your lives. Again, this is a final warning for all illegal drug personalities: You are next!”, ani PBGen Aberin.