Matagumpay na nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Pambansang Pulisya ang tinatayang nasa Php295,000 na halaga ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento sa isinagawang border checkpoint operation dakong alas singko ng madaling-araw ng Nobyembre 5, 2026, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Tactac, Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Arestado ang driver na kinilalang si alyas “Jerico,” 29 anyos, walang trabaho at residente ng Talavera, Nueva Ecija, matapos masita ang minamaneho niyang northbound na Mitsubishi Montero Sport.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng border checkpoint operation ang mga tauhan ng 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB 2) bilang lead unit nang mapansin nila ang nakatiklop na mga upuan sa likurang bahagi ng sasakyan.
Sa isinagawang visual inspection, nakita ng mga awtoridad ang ilang kahon ng sigarilyo sa loob ng sasakyan. Gayunman, hindi nakapagpakita ang driver ng anumang dokumento o katibayan na magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at transportasyon ng mga naturang produkto, dahilan upang siya ay agad na inaresto.
Sa isinagawang imbentaryo, narekober ang 493 reams ng sigarilyo na umabot sa sampung kahon ng iba’t ibang brand. Dinala naman ang naarestong indibidwal kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Santa Fe Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon, dokumentasyon, at tamang disposisyon ng kaso kaugnay ng posibleng paglabag sa National Internal Revenue Code.
Sa kabilang dako, pinuri ni PBGen Mariano C Rodriguez, Regional Director ng PRO 2, ang mga kapulisan at himpilan para sa kanilang mabilis na aksyon alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
“Ang tagumpay na operasyong ito ay patunay ng matibay na pagpapatupad ng ating batas, lalo na sa pagpapalakas ng naitalagang checkpoint, pagsugpo sa kriminalidad, at pagprotekta sa komunidad laban sa iligal na kalakalan. Patuloy nating paigtingin ang intelligence-driven operations at mga checkpoint upang hadlangan ang pagpasok at paggalaw ng mga ilegal na produkto sa ating rehiyon,” pahayag pa ni PBGen Rodriguez.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1KPCS6jVx5/?mibextid=wwXIfr

