Focus crimes sa bansa, bumaba ng 20.6% sa ilalim ng Safer Cities Initiative –PNP

0
32

Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) ang pagbaba ng 20.6 porsiyento sa walong pangunahing krimen o focus crimes, mahigit tatlong buwan matapos ilunsad ang Safer Cities Initiative. Mula Abril 6 hanggang Hulyo 4, 2026, naitala ang 7,883 kaso kumpara sa 9,506 insidente sa nakaraang tatlong buwan.

Ayon sa pamunuan, ang positibong resulta ay bunga ng mas pinaigting na police visibility at mas mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.

Ang Safer Cities Initiative ay inilunsad noong Abril 6 sa pamumuno ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla bilang suporta sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. Kabilang sa mga krimeng nagtala ng pagbaba ang rape, carnapping, physical injury, robbery, theft, homicide, at murder, habang mahigit 2.82 milyong lumabag sa mga lokal na ordinansa ang naaresto o nasita ng mga awtoridad.

Ayon sa PNP, sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinakikita ng mga datos na ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga ordinansa at mas mataas na presensya ng mga pulis sa mga komunidad ay nakatutulong upang mapigilan ang kriminalidad at mapalakas ang disiplina sa publiko. Ito ay bahagi ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations na nakatuon sa intelligence-driven, preventive, at community-centered policing.

Binigyang-diin pa ni PGen Nartatez na bagama’t positibo ang mga paunang resulta, patuloy pa ring pagsisikapan ng organisasyon ang pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat pamayanan. Aniya, “Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung mas ligtas at mas kampante ang ating mga kababayan sa kanilang mga komunidad. Patuloy nating palalakasin ang police visibility at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan.”

Tiniyak ng PNP na ipagpapatuloy nito ang pagpapalakas at regular na pagsusuri sa implementasyon ng Safer Cities Initiative upang mapanatili ang pagbaba ng krimen at higit pang mapalalim ang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan, alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO

Leave a Reply