Sanib-puwersa ang Davao City Police Office (CPO) at Land Transportation Office (LTO) laban sa ilang establisimyento na ilegal na gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng plaka ng sasakyan sa iba’t ibang commercial areas sa Davao City na nagresulta sa pagkakaaresto sa limang indibidwal, noong Setyembre 3, 2026.
Pinangunahan ng San Pedro Municipal Police Station (MPS), katuwang ang City Intelligence Unit City Investigation and Detective Management Unit 1st at 2nd City Mobile Force Companies, LTO Central Office, Regional Intelligence Division 11, at Criminal Investigation and Detection Group 11 (CIDG 11), ang operations laban sa mga ilegal na plate fabricators.
Sa nasabing operasyon, arestado ang limang shop operators at employees na huli sa aktong gumagawa at nagbebenta ng mga hindi awtorisadong plaka.
Nakumpiska sa operasyon ang kabuuang 66 na ilegal na plaka, marked money, official receipts, at iba’t ibang kagamitan na pinaghihinalaang ginagamit sa paggawa ng mga pekeng plaka, kabilang ang plotter cutters, metal molders at iba pang specialized tools.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong falsification of documents sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code, Possession of Instruments or Implements for Falsification sa ilalim ng Article 176 ng Revised Penal Code, at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act o Republic Act No. 11235, na inamyendahan ng Republic Act No. 12209.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na ang paggamit ng peke o hindi rehistradong plaka ay maaaring magamit ng mga kriminal at mga sangkot sa hit-and-run upang itago ang kanilang pagkakakilanlan at makaiwas sa pagtukoy ng law enforcement authorities. Dahil dito, mahigpit na tinututukan ng mga awtoridad ang mga establisimyentong gumagawa at nagbebenta ng mga hindi awtorisadong plaka.
Nagbabala rin ang mga awtoridad na hindi lamang ang mga gumagawa at nagbebenta ng pekeng plaka ang maaaring managot sa batas, kundi maging ang mga motorista na sadyang bumibili o gumagamit ng mga ito, alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Sa pangunguna ni Police Colonel Peter B Madria, City Director ng Davao CPO, muling pinagtibay ng Davao CPO at LTO ang kanilang mahigpit na paninindigan laban sa ilegal na paggawa at paggamit ng mga plaka upang maprotektahan ang seguridad sa mga lansangan, mapanatili ang kaayusan, at mapalakas ang pagtugon laban sa mga gawaing maaaring magamit sa krimen na alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



