Dating miyembro ng CTG, kusang-loob na sumuko sa Lubuagan, Kalinga

0
337

Kusang-loob na sumuko ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga awtoridad sa Lubuagan, Kalinga noong Mayo 31, 2026, bilang resulta ng patuloy na kampanya kontra terorismo sa lalawigan.

Batay sa ulat ng Lubuagan Municipal Police Station (MPS), naging miyembro ng CTG ang naturang indibidwal noong 1987 at sumailalim sa ideological at tactical na pagsasanay na isinagawa ng organisasyon. Inamin niya na mula 1988 hanggang 2006 ay nagsilbi siyang logistics supporter, kung saan nangangalap siya ng mga pagkain at iba pang suplay mula sa iba’t ibang barangay sa Lubuagan at inihahatid ang mga ito sa mga kampo ng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa lugar. 

Naging posible ang pagbabalik-loob dahil sa tuloy-tuloy na pagsisikap at matibay na koordinasyon ng Lubuagan MPS at ng Local Government Unit (LGU) ng Lubuagan sa pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng kapayapaan at seguridad sa komunidad.

Ang naturang pagsuko ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan upang wakasan ang mga armadong tunggalian at higit pang palakasin ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Kasabay ng kanyang pagsuko, boluntaryo rin niyang nai-turn over sa Lubuagan MPS ang isang kalibre .30 na baril bilang pagpapakita ng kanyang pangako at suporta sa mga programa ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaligtasan ng publiko.  Ang turnover ceremony ay sinaksihan ni Police Lieutenant Mel Loslong, Deputy Chief of Police, Lubuagan MPS, Daryl Abayon, LGU Designated Information Officer, at ng iba pang residente.

Patuloy namang isinusulong ng Kalinga PNP ang adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” bilang patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa lalawigan.

Source: Lubuagan Municipal Information Office

Leave a Reply