Isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko sa pamahalaan sa pamamagitan ng isinagawang coordinated efforts ng Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC)–R-PSB Team Bugang, katuwang ang Pio V. Corpuz Municipal Police Station (MPS), PIU-Masbate PPO at RIU5 PIT Masbate, noong Agosto 14, 2026.
Pinangunahan ang naturang pagsuko ni PCpl Molly C. Abenir Jr., Team Leader, sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PLtCol Harris H. Castillo, OIC Force Commander.
Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan, dayalogo, negosasyon at information campaign ng R-PSB Team Bugang, nahikayat ang dating CTG member na talikuran ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan upang makapagsimula ng panibagong buhay kasama ang kanyang pamilya.
Kasabay ng kanyang pagsuko, boluntaryo rin niyang isinuko ang isang kalibre .38 Smith & Wesson revolver na walang serial number at tatlong piraso ng live ammunition.
Batay sa paunang pagsusuri, ang sumuko ay dating nagsisilbing “mata at tainga” ng CTG sa kanilang barangay at tumatanggap umano ng pinansyal na tulong maging ng pagkain mula sa grupo.
Sa kanyang naging desisyon, pinili niyang tuluyang talikuran ang dating gawain at unahin ang kaligtasan, kapakanan at kinabukasan ng kanyang pamilya.
Sa kasalukuyan, isinasailalim siya sa debriefing at iba pang angkop na intervention bilang bahagi ng proseso ng kanyang pagbabalik sa komunidad.
Inihahanda rin ang dating CTG member para sa referral sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng nararapat na tulong at benepisyo, kabilang ang mga programang saklaw ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Ipinapakita ng kanyang boluntaryong pagsuko ang patuloy na pagsisikap ng kapulisan at mga katuwang na ahensya na isulong ang kapayapaan at pagkakaisa, habang nagbibigay ng pagkakataon sa mga nagnanais talikuran ang armadong pakikibaka na makapagsimulang muli at makapiling ang kanilang pamilya alinsunod sa kampanya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1EugdnLmb4/



