Isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (Non-PSRTG) ang boluntaryong sumuko sa Allacapan PNP kasama ang 3rd Mobile Force Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company at 203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, noong Oktubre 12, 2024.
Kinilala ni Police Major Llewilyn D Guzman, Hepe, ang sumukong CTG member na si alyas “Marta”, biyuda, isang magsasaka, at residente ng Lasam, Cagayan.
Ayon sa kanyang salaysay, taong 1992 nang siya at ng kanyang asawa ay narecruit ni alyas “Lucio” mula sa Northern Cagayan, bahagi ng Komiteng Probinsya ng Cagayan (Kom Prob), at sumailalim sa ilang serye ng pagsasanay.
Matapos nito, sila ay lumipat-lipat sa mga lugar tulad ng Lasam, Allacapan, at lalawigan ng Apayao upang mag-recruit, lalo na sa komunidad ng mga Agta.
Sila rin ay naging aktibo sa iba’t ibang pagpupulong at anti-government rallies sa Cagayan hanggang taong 2011.
Ngunit noong 2012, napagtanto nila na ang kanilang sinasalihang grupo ay laban sa gobyerno, at sila ay nagdesisyong iwan ito upang mamuhay nang normal.
Ang kanyang desisyon na sumuko ay resulta ng patuloy na kampanya ng kapulisan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno laban sa insurhensiya at terorismo, alinsunod sa Executive Order No. 70 at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Muling nanawagan ang kapulisan sa mga natitirang aktibong miyembro ng mga kilusan na magbalik-loob sa gobyerno upang mamuhay nang matiwasay at makiisa sa pag-unlad ng bagong Pilipinas.
Source: Allacapan PS Panulat ni Pat Desiree Canceran