Dalawang miyembro ng CTG, arestado sa Misamis Oriental

0
556

Naaresto ang dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa magkahiwalay na intelligence-led operations na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group–Lanao del Norte Provincial Field Unit, katuwang ang Philippine Army at mga lokal na yunit ng pulisya sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Ang unang suspek, na kinilalang si alyas “Alvin,” 35 taong gulang, ay naaresto sa Barangay Sta. Ana dahil sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa. Siya ay nakilalang aktibong miyembro ng armadong yunit ng CTG sa Northern Mindanao, na sangkot umano sa recruitment at pag-oorganisa ng mga sektor ng kabataan, at napaulat na lumahok sa mga mararahas na insidente sa ilang munisipalidad noong 2023.

Samantala, ang ikalawang suspek na 40 taong gulang, si alyas “Tibor,” ay naaresto sa Brgy. Rosario dahil sa kasong rebellion o insurrection na may inirekomendang piyansang Php200,000. Siya ay iniuugnay sa grupo mula pa noong 2017 at napaulat na nakibahagi sa mga gawaing ideolohikal bago kalauna’y gumanap sa mga operasyunal na tungkulin. Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang mga ulat ng kanyang pagkakasangkot sa mga mararahas na insidente sa Misamis Oriental noong 2023 bilang bahagi ng masusing imbestigasyon.

Ayon kay Chief, PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.: “Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa matatag na paninindigan ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Ang ating layunin ay hindi lamang hulihin ang mga wanted person, kundi tiyakin ang kaligtasan ng ating mga komunidad.”

Ang mga pag-arestong ito ay sumasalamin sa PNP Focused Agenda, partikular sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, at pinagtitibay ang pagiging epektibo ng intelligence-driven operations sa pangangalaga ng mga komunidad, alinsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Binibigyang-diin ng nasabing tagumpay ang mandato ng Philippine National Police sa pagprotekta sa mamamayan at pagpapatupad ng batas, kasabay ng pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”