Arestado ang dalawang indibidwal sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa Barangay Galakit, Pagalungan, Maguindanao del Sur nito lamang ika-5 ng Pebrero 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Arbel Mercullo, Acting Regional Chief ng Criminal Investigation and Detection Group – Regional Field Unit BAR, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Datu”, 49 anyos, magsasaka, at alyas “Abu”, 29 anyos, na residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PLtCol Mercullo, matagumpay na naisagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng CIDG RFU BAR, 42nd Special Action Battalion, at Pagalungan Municipal Police Station.
![](https://i0.wp.com/psbalita.com/wp-content/uploads/2025/02/476249306_921549150132275_1352173379079204104_n.jpg?resize=696%2C522&ssl=1)
Ang mga suspek ay naaktuhang nagbebenta ng mga iligal na armas sa isang poseur buyer, na nagresulta sa pagkakaaresto at pagkakakumpiska ng isang yunit ng cal. 7.62mm, isang M14 rifle, isang M14 steel magazine, pitong 7.62mm na bala, isang Php1000 peso bill, 89 na pirasong Php1,000 bill bilang boodle money, isang cellphone, isang ID, isang Kawasaki motorcycle, susi at OR/CR nito.
Samantala, ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act,” partikular sa Article V, Section 32 na may kaugnayan sa “Unlawful Sale of Firearms and Ammunition.”
Patuloy ang CIDG RFU BAR sa mahigpit na pagpapatupad ng batas upang labanan ang ilegal na pagbebenta at pag-aangkin ng mga armas na maaaring magamit sa mga kriminal na aktibidad, bilang bahagi ng pagsisikap nitong mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya