Dalagitang nagtangkang tumalon sa Cebu Bridge, nasagip ng PNP

0
105

Matagumpay na napigilan ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP, ang posibleng pagkawala ng isang buhay matapos nasagip ang isang 14 anyos na babaeng estudyante na nagtangkang tumalon sa Marcelo Fernan Bridge sa Cebu noong Oktubre 13, 2026.

Nabatid na nakatanggap ng ulat mula sa isang kawani na naka-duty sa Metro Cebu CCTV monitoring hinggil sa isang dalagitang umakyat sa guardrail sa naturang tulay at nagtangkang tumalon.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group Regional Highway Monitoring Unit 7 (HRMU 7), sa pangunguna ni Patrolman Eddie Anthony G. Corañes, at nailligtas ang 14 anyos na babaeng estudyante.

Napag-alaman na ang nailigtas na dalagita ay isang Grade 8 student ng isang National High School sa Pajo, at agarang dinala ng kapulisan sa HRMU 7 office para sa atensyong medical.

“Our officers must recognize the urgency of every situation where a life is at risk. Their decisive response in this incident demonstrates the responsibility and vigilance expected of every police officer,” (Dapat maunawaan ng ating mga pulis ang pagkaapurahan ng bawat sitwasyong nanganganib ang buhay ng isang tao. Ang mabilis at matatag nilang pagtugon sa insidenteng ito ay nagpapakita ng responsibilidad at pagiging mapagmatyag na inaasahan sa bawat pulis,) pahayag ni PGen Nartatez.

“Ang mga kabataang dumaranas ng mabibigat na problema ay nangangailangan ng pag-unawa, gabay, at suporta. Mahalaga na maramdaman nilang may handang makinig, umalalay, at tumulong sa kanila sa oras ng pangangailangan,” dagdag niya.

Source: PNP-PIO

Leave a Reply