CPNP Nartatez, nakiisa sa PMA Alumni Homecoming 2026 sa Baguio City

0
441

Dumalo at buong pagmamalaking nakiisa si PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief ng Philippine National Police (PNP), sa ginanap na Philippine Military Academy Alumni Homecoming noong Pebrero 21, 2026 sa PMA Grandstand, Borromeo Field, Fort Del Pilar sa Baguio City.

Tampok sa pagtitipon ang temang “Fostering Unity and Excellence: Strengthening Bonds and Advancing Traditions,” na sumasalamin sa patuloy na pagpapatibay ng samahan at tradisyon ng mga nagtapos sa akademya. Naging panauhing pandangal at tagapagsalita si Sen. Panfilo M. Lacson, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng tapat at mahusay na pamumuno sa serbisyo publiko.

Bilang isang proud member ng Philippine Military Academy Tanglaw-Diwa Class of 1992, ibinahagi ni PGen Nartatez ang makahulugang sandali ng muling pagsasama-sama ng kanyang mga mistah at kapwa alumni. Ang naturang okasyon ay hindi lamang simpleng reunion, kundi pagdiriwang ng pagkakaibigan, dedikasyon sa tungkulin, at sama-samang adhikain para sa bayan. Ipinakita ng presensya ng hepe ng PNP ang matibay na ugnayan ng liderato ng pulisya sa mga pinahahalagahang tradisyon ng PMA.

Kabilang din sa dumalo si PLtGen Bernard M. Banac, Deputy Chief PNP for Administration at kapwa miyembro ng Tanglaw-Diwa Class of 1992, na ginawaran ng Lifetime Achievement and Cavaliers Award. Tinanggap niya ang Cavalier Award for Police Operations (Senior Officer) bilang pagkilala sa kanyang natatanging ambag sa larangan ng police operations—isang patunay sa kahusayan at propesyonalismong itinataguyod ng PNP.

Sa muling pakikipag-ugnayan sa kanyang PMA family, pinagtibay ni PGen Nartatez ang matatag na pangako ng PNP sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.” Ang mga halagahang tulad ng pagkakaisa, integridad, at kahusayan na hinubog sa loob ng akademya ay patuloy na magsisilbing gabay ng bawat pulis sa kanilang sinumpaang tungkulin upang maglingkod nang may dangal at tunay na malasakit sa sambayanang Pilipino.