Chief PNP, pinangunahan ang Send-off Ceremony para sa Joint Disaster Relief Operation sa Northern at Central Luzon

0
841

Pinangunahan ni Police General Nicolas D. Torre III, PNP Chief, ang isinagawang Send-off Ceremony para sa Joint Disaster Relief Operation sa mga nasalanta ng bagyo sa Northern at Central Luzon ngayong umaga ng Hulyo 31, 2025 sa PNP Grandstand, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.

Kasama sa mga dumalo sina Police Lieutenant General Edgar Alan Okubo, Deputy Chief PNP for Operations at Pangulo ng Rotary Club sa Camp Crame; at Ronald Delos Santos, Pangulo ng The Fraternal Order of Eagles-Philippine Eagles Inc., na naging katuwang ng PNP para matagumpay na maisakatuparan ang nasabing seremonya.

Ang aktibidad ay kabilang sa mga humanitarian efforts ng Pambansang Pulisya para matulungang mahatiran ng mga pangunahing pangangailangan ang nasa 7,500 mga residente ng Tarlac, Pangasinan, La Union, Ilocos, at Abra na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng mga katatapos na Bagyong Crising, Dante, at Emong. Ang inisyatibo ring ito ay nagpapakita ng di matatawarang dedikasyon at pagkakaisa ng mga kapulisan at ilang organisasyon upang tulungang makabangon ang mga biktima ng bagyo.

Pinasalamatan ni PGen Torre ang inisyatibo ng mga organisasyon upang masigurong magiging matagumpay ang relief operation. Hinangaan din niya ang mga sakripisyo at pagsisikap ng mga kapulisan sa buong bansa, na buong tapang at malasakit na naghatid ng anumang tulong at serbisyo sa mamamayan bago at sa kalagitnaan ng mga nasabing bagyo.

Binigyang-diin din ng Hepe ang kahalagahan ng pagkakaisa o ‘bayanihan’ at koordinasyon sa ilang ahensya ng pamahalaan para sa agarang pagtugon sa panahon ng kalamidad.

Sa panahon ng sakuna, makakaasa ang taumbayan na ang Pambansang Pulisya ay buong pusong maghatid ng tulong at serbisyo para sa ating kapwa Pilipino.