Matagumpay na naipaanak ng mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1st Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company (OMPMFC) ang isang 23-anyos na ginang na katutubong Mangyan sa Sitio Magarang, Barangay Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro noong ika-15 ng Setyembre 2025.
Pinangunahan ni PLt Normin A. Luis, Platoon Leader ng yunit, ang pagtulog kay Mrs. Angelita A. Mindoro na noon ay nasa kritikal na sitwasyon ng panganganak. Sa pamamagitan ng kanilang kaalaman sa basic first aid, basic life support, at combat medic skills, natulungan ng mga pulis ang ginang na ligtas na maisilang ang kanyang sanggol.

Agad namang isinakay sa patrol car ng kapulisan si Mrs. Mindoro at dinala sa Rural Health Unit (RHU) ng Barangay Poblacion, Magsaysay para sa karagdagang pangangalagang medikal at masiguro ang kaligtasan ng mag-ina.
Itinuturing ng kapulisan ang pangyayaring ito bilang isang halimbawa ng kanilang malasakit at dedikasyon sa paglilingkod sa komunidad, hindi lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maging sa pagtugon sa mga sitwasyong kagipitan.
Hinikayat naman ng pamunuan ng Occidental Mindoro PMFC ang publiko na huwag mag-atubiling tumawag sa 911 at pindutin ang 1 para sa agarang tulong mula sa kapulisan sa oras ng pangangailangan.
Source: 1st Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company
Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla



