Matagumpay na naaresto ang isang 40-anyos na drug personality, matapos mahulihan ng baril at hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang search warrant operation ng Police Regional Office 5 (PRO5) dakong 9:15 ng umaga noong Oktubre 29, 2026, sa Brgy. La Purisima, Nabua, Camarines Sur.
Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PRO5 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director, laban sa ilegal na droga at iba pang banta sa kaligtasan ng publiko.
Pinangunahan ng Nabua Municipal Police Station (MPS) ang operasyon, katuwang ang Regional Intelligence Unit 5–Provincial Intelligence Team Camarines Sur, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 5.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Anton.” Nasamsam mula sa kanya ang 98.3 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na Php668,440. Narekober din ang isang itim na lagayan na naglalaman ng isang 9mm na pistola na may tatak na Smith & Wesson at walang serial number, gayundin ang apat na bala.
Dinala ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Nabua MPS para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon, at disposisyon alinsunod sa mga itinakdang legal na pamamaraan.
Binigyang-diin ni PBGen Silvio na hindi titigil ang PRO5 laban sa kanilang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga at patuloy silang magsasagawa ng mga operasyong nakabatay sa beripikadong impormasyon at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang mapanagot ang mga hinihinalang lumalabag sa batas.
Bilang bahagi ng PNP Focused Agenda, nananatiling nakatuon ang PRO 5 sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” kung saan hinikayat nito ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang impormasyon na makatutulong sa pagpigil sa krimen at pagsuporta sa mga legal na operasyon tungo sa mas ligtas at mapayapang mga komunidad sa Bicol Region.
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1MJJbmcBip/

