Barangay Kagawad arestado; Php102K halaga ng hinihinalang shabu at baril nasamsam ng PNP sa Kabacan, Cotabato

0
30

Arestado ang isang barangay kagawad matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu at isang hindi lisensiyadong baril sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Sitio Lumayong, Barangay Kayaga, Kabacan, Cotabato noong umaga ng Hulyo 28, 2026.

Kinilala ni Police Brigadier General Alan B Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, ang suspek sa alyas na Wad, 27 taong gulang, na nagsisilbing Barangay Kagawad ng Barangay Gokotan, Maridagao, Special Geographic Area (SGA), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Isinagawa ng pulisya laban sa suspek ang pagpapatupad ng mga search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa operasyon, nakumpiska ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 15 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php102,000, isang kalibre .38 na revolver at tatlong live cartridges.

“Patuloy nating ipatutupad ang batas nang walang kinikilingan. Ang bawat matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng ating matibay na paninindigan laban sa ilegal na droga at ilegal na mga baril upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” ani PBGen Manibog.

Source: Police Regional Office 12

Leave a Reply