Bangar MPS, nagsagawa ng anti-bullying lecture sa Philippine Bethel Blessed Christian Academy

0
63

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 31st Police Community Relations (PCR) Month, nagsagawa ang mga tauhan ng Bangar Municipal Police Station (MPS) ng Anti-Bullying Act Lecture sa mga mag-aaral ng Philippine Bethel Blessed Christian Academy sa Barangay Consegra, Bangar, La Union noong Hulyo 20, 2026.

Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kamalayan ng mga mag-aaral tungkol sa Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013, kabilang ang iba’t ibang uri ng pambu-bully, ang masasamang epekto nito sa mga biktima, at ang mga nararapat na hakbang upang maiwasan at matugunan ang ganitong uri ng pag-uugali sa loob at labas ng paaralan.

Sa isinagawang talakayan, binigyang-diin ng mga pulis ang kahalagahan ng paggalang sa kapwa, responsableng pag-uugali, at agarang pag-uulat ng anumang insidente ng pambu-bully sa mga guro, magulang, o kinauukulang awtoridad. Hinikayat din ang mga mag-aaral na maging instrumento sa pagtataguyod ng isang ligtas, maayos, at mapayapang kapaligiran sa kanilang paaralan.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Philippine National Police sa pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng kapulisan, mga paaralan, at komunidad, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: Bangar MPS

Leave a Reply