Bagong Bangued MPS pormal nang pinasinayaan para sa mas pinahusay na paglilingkod sa Abra

0
17

Muling nagkaroon ng matibay na himpilan ang pulisya sa kabisera ng Abra matapos pormal na pasinayaan ang bagong gusali ng Bangued Municipal Police Station (MPS) sa Camp Juan Villamor, Calaba, Bangued, Abra noong Oktubre 22, 2026. Pinangunahan ni PBGen Noel B. Vallo, Regional Director ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR), ang blessing at inauguration ng pasilidad na itinayo bilang kapalit ng dating himpilang matinding napinsala ng magnitude 7.0 na lindol noong 2022.

Dinaluhan ang seremonya nina Abra Governor Eustaquio P. Bersamin, Abra Lone District Representative Joseph Sto. Niño B. Bernos, Solid North Party List Representative Menchie B. Bernos, Bangued Mayor Perfecto B. Cardenas, PCOL Charles L. Domallig, Provincial Director ng Abra Police Provincial Office, PMAJ Graeme Boy B. Javier, Chief of Police ng Bangued MPS, at iba pang kinatawan ng pamahalaan, mga lider ng komunidad, at mga tauhan ng himpilan.

Tampok sa programa ang ribbon-cutting ceremony, unveiling ng commemorative marker, at pagbasbas sa bagong gusali na pinangunahan ni Rev. Fr. Sanny John B. Paguio, Parish Administrator. Simbolo ang bagong pasilidad ng katatagan, sama-samang pagkilos, at patuloy na pagsisikap ng PNP at mga katuwang nito upang maibalik at mapahusay ang mga serbisyong pangkaligtasan para sa mamamayan ng Bangued.

Sa kanyang talumpati bilang panauhing pandangal, binati ni PBGen Vallo ang mga tauhan ng Bangued MPS, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholder na naging bahagi ng muling pagtatayo ng himpilan. Binigyang-diin niya na higit pa sa isang bagong gusali ang pasilidad dahil mahalaga itong suporta upang mapalawak at mapahusay ang paghahatid ng serbisyong pampubliko at mapanatili ang mataas na pamantayan ng pagpapatupad ng batas.

“Ang bagong police station na ito ay hindi lamang dagdag na pasilidad, kundi isang mahalagang suporta sa ating mga kapulisan upang mas mapalawak at mapahusay ang paghahatid ng serbisyong pampubliko. Dahil mas marami ang ating pinaglilingkuran, mas malaki rin ang ating responsibilidad. Let this new building remind us that the people of Bangued deserve nothing less than our up to par quality police service (Nawa’y magsilbing paalala sa atin ang bagong gusaling ito na nararapat lamang sa mga mamamayan ng Bangued ang serbisyong may pinakamataas na kalidad at pamantayan),” ani PBGen Vallo.

Sa kabila ng pagkasira ng kanilang dating himpilan, nagpatuloy ang mga tauhan ng Bangued MPS sa kanilang peace and order operations habang pansamantalang gumagamit ng ibang pasilidad. Patunay ito ng kanilang dedikasyon sa tungkulin at kahandaang maglingkod sa komunidad sa kabila ng mga hamong dulot ng kalamidad.

Kaakibat ng muling pagbabangon ng Bangued MPS ang paninindigan ng PNP na patuloy na paghusayin ang kakayahan at pasilidad ng kapulisan upang matiyak ang mas mabilis at mas maaasahang serbisyo publiko tungo sa mas ligtas na pamayanan.

Source: PRO CAR (https://www.facebook.com/share/p/18fSUw7c9L/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply