Apat na motor bangka, nakumpiska sa seaborne patrol operation ng Palawan PPO; 66 indibidwal, arestado sa Cuyo

0
17
Screenshot

Arestado ang 66 indibidwal habang apat na motor bangka ang narekober ng mga operatiba ng Palawan Police Provincial Office (PPO) sa isinagawang seaborne patrol operation sa baybayin ng Cuyo, Palawan, noong September 16, 2026.

Nanguna sa operasyon ang Cuyo Municipal Police Station (MPS), sa pamumuno ni PCpt John Ret C. Ciupan, Officer-in-Charge, kung saan nahuli ang apat na bangka sa may bandang 7.5 nautical miles kanluran ng Brgy. Caponayan, Cuyo.

Ayon sa inisyal na ulat, mula pa sa bayan ng Hamtic, Antique, ang mga nahuling indibidwal na nakuhanan ng 15 ice box na naglalaman ng humigit-kumulang 180 kilograms ng iba’t ibang isda na may halagang Php39,000.00. Kasama ang apat na motor banca, aabot sa Php639,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiska.

Agad namang dinala sa kustodiya ng Cuyo MPS ang mga naarestong indibidwal kasama ang mga nakumpiskang kontrabando para sa iba pang legal na dokumentasyon at tamang disposisyon.

Nanawagan naman si Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director ng Palawan PPO, sa mga residente na nakatira sa mga baybaying bahagi ng lalawigan na patuloy na isaalang-alang ang mga regulasyon sa pangingisda at tumulong sa mga awtoridad sa pagbibigay ng proteksyon sa mga yamang dagat ng buong lalawigan ng Palawan alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Aniya, “Our seas are a shared resource, and protecting them is a shared responsibility. I call on our fisherfolk and coastal communities to comply with established fishing regulations and help us protect our marine resources. I also encourage the public to report illegal fishing activities to the authorities so that we can take immediate and appropriate action.” (Ang ating mga karagatan ay pinagsasaluhang yaman, at ang pangangalaga sa mga ito ay responsibilidad nating lahat. Nananawagan ako sa ating mga mangingisda at mga komunidad sa mga baybaying bahagi ng lalawigan na sumunod sa mga itinakdang regulasyon sa pangingisda at tumulong sa pangangalaga ng ating yamang-dagat. Hinihikayat ko rin ang publiko na iulat sa mga awtoridad ang mga ilegal na aktibidad sa baybayin upang makapagsagawa tayo ng agarang at angkop na aksyon).

Source: https://www.facebook.com/share/p/1Jn3SGv3Hw/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply