Nakumpiska ng mga tauhan ng Roxas Municipal Police Station at 2nd Palawan Mobile Force Company ang apat na homemade shotgun sa magkahiwalay na bahay ng magkapatid sa Sitio Nanabu, Barangay Caramay, Roxas, Palawan, pasado alas-6:00 ng umaga noong ika-30 ng Setyembre 2025.
Nakilala ang mga suspek na sina alyas “Jen” at “Jeryl”, parehong residente ng lugar.
Bago ang operasyon, nakatanggap ang mga awtoridad ng reklamo hinggil sa umano’y bentahan ng baril at pagbabanta ng magkapatid sa buhay ng isang indibidwal. Sa kabila nito, nanindigan ang pulisya na hindi nila palalagpasin ang anumang banta na makakaapekto sa kapayapaan ng komunidad.
Sa bisa ng search warrant, matagumpay na naisakatuparan ng tropa na pinangunahan ni PCpt Marvin Herrera, hepe ng Roxas MPS, kasama ang 2nd PMFC, ang operasyon. Sa loob ng magkahiwalay na bahay ng magkapatid, nadiskubre at nakumpiska ang apat na homemade shotgun na may kasamang mga bala.
Hindi nakapagpakita ng kaukulang permit ang mga suspek para sa mga armas na kanilang pagmamay-ari. Dahil dito, agad na isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang mga nakumpiskang baril habang inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa kanila sa paglabag sa Republic Act 10591 o ”Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Tiniyak ng Roxas MPS na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya kontra ilegal na armas upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng matagumpay na operasyon, muling ipinakita ng PNP ang kanilang malasakit, katapangan, at pagiging tunay na BIDA sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Palawan.
Source: Radyo Bandera Philippines
Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla



