Apat na drug personalities, arestado ng PRO1; Php249K halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa San Juan, La Union

0
341

 Arestado ang apat na drug personalities sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Police Regional Office 1 (PRO1) sa Brgy. Panicsican, San Juan, La Union, noong Nobyembre 17, 2026.

Nagsilbing lead unit sa operasyon ang La Union Provincial Drug Enforcement Unit, katuwang ang Regional Special Enforcement Team ng Police Regional Office 1, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) La Union, Ilocos Sur at Cordillera Administrative Region, PDEA Seaport Interdiction Unit 1/K-9, PDEA Regional Technical Support Unit, National Bureau of Investigation Regional Office 1, Regional Intelligence Office, Provincial Intelligence Unit, at San Juan Municipal Police Station.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Search Warrant No. 08-2026 na inilabas noong Nobyembre 10, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 28, Lungsod ng San Fernando, La Union, kaugnay ng paglabag sa Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 36.7 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug value na Php249,560, na nakalagay sa sampung heat-sealed na transparent plastic sachets.

Narekober din ang iba’t ibang drug paraphernalia at iba pang ebidensya, kabilang ang mga blowtorch lighter, glass tooters, plastic straw, aluminum tong, digital weighing scale, plastic sachet, isang Redmi cellular phone, aluminum foil, at disposable lighter.

Alinsunod sa itinakda ng batas, isinagawa sa lugar ang imbentaryo at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi at ng mga suspek upang matiyak ang integridad at chain of custody ng mga ito.

Ang mga naarestong indibidwal at nakumpiskang ebidensya ay sasailalim sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon para sa pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa RA 9165.

Muling pinagtitibay ng Police Regional Office 1 ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa PDEA at iba pang law enforcement agencies upang sugpuin ang ilegal na droga at mapanatili ang ligtas at mapayapang pamayanan sa buong rehiyon.

Panulat ni PMsg Carmela G Danguecan

Source : LUPDEU

Leave a Reply