Php242K halaga ng hinihinalang shabu narekober ng Pigcawayan PNP; dalawang suspek, arestado sa Cotabato

0
220

Arestado ang dalawang suspek matapos ang hot pursuit operation ng mga operatiba ng Pigcawayan Municipal Police Station (MPS) kasunod ng isang insidente ng alitan sa Brgy. Pidpapan 1, Pigcawayan, Cotabato, dakong 5:00 ng hapon noong Nobyembre 19, 2026.

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Sad,” 37 anyos, at alyas “Mhad,” 23 anyos, pawang mga residente ng Midsayap, Cotabato.

Nasamsam mula sa mga suspek ang isang Caliber .45 pistol na may limang bala, tatlong heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 35.68 gramo at halagang Php242,624, isang digital weighing scale, limang ekstrang bala para sa nasabing baril, at isang Suzuki Skydrive Sport motorcycle na walang nakakabit na plaka.

Nabatid na nabigong magpakita ang mga suspek ng kaukulang dokumento o permit na nagbibigay-awtorisasyon sa kanila na magkaroon at magmay-ari ng nasabing baril kaya agad na inaresto ng mga kapulisan.

Kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek.

Ayon sa Cotabato Police Provincial Office sa ilalim ng liderato ni PCol Ramel B Hojilla, Provincial Director, bahagi ng matibay na paninindigan ng kapulisan na protektahan ang mga komunidad ang patuloy na operasyon laban sa ilegal na droga at mga loose firearms.

“Ang bawat operasyon laban sa ilegal na droga at loose firearms ay bahagi ng ating matibay na paninindigan na protektahan ang ating mga komunidad. Patuloy nating hahabulin ang mga sangkot sa ganitong gawain at titiyaking mananagot sila sa ilalim ng batas,” pahayag ni PCol Hojilla.

https://www.facebook.com/share/p/1BKgFx548H

Leave a Reply