Mahigit Php342K halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo, nasamsam ng Sarangani PPO; suspek, arestado

0
447

Nasamsam ng mga operatiba ng Sarangani Police Provincial Office (PPO) ang 400 reams ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang PhP342,727 at naaresto ang suspek sa checkpoint operation noong Nobyembre 18, 2026, sa Brgy. Upo, Maitum, Sarangani Province.

Isinagawa ang operasyon ng 2nd Sarangani Provincial Mobile Force Company (2nd SPMFC), sa pangunguna ni PLtCol Hoover T Antonio, katuwang ang Maitum Municipal Police Station (MPS) at Sarangani PPO Special Team for Anti-Smuggling.

Ayon sa ulat, pinara ng mga operatiba ang isang brown na Suzuki Wagon R na walang plaka at may markang “For Registration.” Gayunman, sa halip na huminto, pinabilis ng drayber ang sasakyan kaya’t agad itong tinugis ng mga pulis. Makalipas ang 1.5 kilometro, naharang ang sasakyan sa Brgy. Malalag, Maitum.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Maro,” 37 taong gulang, residente ng Brgy. Pinol, Maitum. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority.

Sa inspeksiyon, nadiskubre sa likurang bahagi ng sasakyan ang 200 reams ng New Berlin at 200 reams ng Fort cigarettes. Lumitaw sa paunang pagsusuri na walang mga kinakailangang BIR Internal Revenue Excise Tax Stamps at Philippine Graphic Health Warning labels.

Kinumpirma rin ng Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ng isang naitalang Viber call, na pinaghihinalaang ipinuslit ang mga naturang produkto. Dahil dito, ipinaalam sa suspek ang karagdagang posibleng paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang sigarilyo sa presensya ng isang halal na opisyal ng barangay.

Matapos sumailalim sa medical examination sa Sarangani Provincial Hospital alinsunod sa itinakdang proseso at Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009, inilagay ang suspek sa kustodiya ng Maitum MPS.

Samantala, nakatakdang i-turn over sa BOC ang mga nakumpiskang sigarilyo at ginamit na sasakyan para sa kaukulang pagsusuri, sertipikasyon at disposisyon, habang isasagawa ang nararapat na legal na hakbang laban sa suspek.

https://www.facebook.com/share/p/1CLkaaQi4k

Leave a Reply