NCRPO, nagbabala sa publiko laban sa fake news; RACU, inatasang tukuyin ang mga pinagmulan ng misinformation

0
477

Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pamumuno ni Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher N Abrahano, laban sa paggawa, pagpo-post, at pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon at mapanlinlang na pahayag na may kaugnayan sa mga pulis at operasyong panseguridad, partikular na sa social media habang nagho-host ang bansa ng 49th ASEAN Summit.

Kasunod ito ng pagkalat ng mga post sa social media na naglalaman umano ng mga text message na nagsasabing walang naibibigay na pagkain sa mga pulis na itinalaga sa seguridad ng ASEAN Summit. Kabilang din dito ang pahayag na hindi umano aarestuhin ng mga pulis ang mga raliyista kung ang mga ito ay miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC).

Bilang tugon, inatasan ni PBGen Abrahano ang Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) na makipag-ugnayan sa kaukulang yunit ng PNP Anti-Cybercrime Group upang matukoy ang orihinal na pinagmulan ng mga kumakalat na mensahe, beripikahin ang katotohanan ng mga ito, at alamin kung may mga nilabag na umiiral na batas.

Binigyang-diin ni PBGen Abrahano na hindi kinikilala ng NCRPO ang anumang uri ng piling pagpapatupad ng batas batay sa relihiyon, paniniwalang politikal, o kinabibilangang organisasyon ng isang indibidwal. Aniya, ang bawat pulis ay inaasahang magpatupad ng batas nang patas at walang kinikilingan, alinsunod sa umiiral na batas, itinakdang pamamaraan, at aktuwal na kalagayan ng bawat insidente. Dagdag pa niya, kaakibat ng kalayaan sa pagpapahayag ang responsibilidad na tiyakin ang katotohanan ng impormasyong ibinabahagi.

Muling hinikayat ng NCRPO ang publiko na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng social media, at tiyaking beripikado ang mga impormasyong ibinabahagi sa pamamagitan ng mga opisyal na channel ng NCRPO at PNP. Nagbabala rin ito na ang sinasadyang paggawa at pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring magkaroon ng kaukulang pananagutang legal, lalo na kung mapatutunayang may paglabag sa umiiral na batas.

Source: NCRPO https://www.facebook.com/share/p/194cp6wpcr/

Leave a Reply