Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang 32-anyos na motorista matapos matuklasang mayroon itong dalawang outstanding warrant of arrest sa isinagawang traffic enforcement operation sa Macapagal Boulevard, Brgy. Tambo, Parañaque City noong Nobyembre 15, 2026.
Nagsasagawa ng mobile patrol ang mga operatiba ng Tambo Police Sub-Station kasama ang isang barangay traffic enforcer nang mapansin ang isang puting sasakyan na ilegal na nakaparada at nakahahadlang sa daloy ng trapiko. Nang lapitan at beripikahin ang pagkakakilanlan ng driver na kinilalang alyas “Ian,” nadiskubre ang dalawang warrant of arrest laban sa kanya dahil sa umano’y paglabag sa Chattel Mortgage Law at Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa isinagawang dokumentasyon, napansin din ng mga pulis ang walong electronic devices sa loob ng sasakyan, kabilang ang dalawang cellphone, hinihinalang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher o Cell-Site Simulator (CSS), dalawang battery device, GPS tracker na may nakakabit na SIM card, at isang antenna device. Ang mga ito ay kinumpiska at sasailalim sa masusing teknikal na pagsusuri upang matukoy ang tunay na gamit at posibleng kaugnayan sa anumang ilegal na aktibidad.
Ayon kay PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang pagiging mapagmatyag at maagap ng mga pulis sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko. Binigyang-diin din niya na hindi dapat ipagwalang-bahala ang anumang kagamitang posibleng gamitin sa ilegal na gawain at titiyaking maisasailalim ang mga ito sa kaukulang pagsusuri at imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
Ang insidente ay nagpapakita ng patuloy na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong palakasin ang pagbabantay, pananagutan, at epektibong pagpapatupad ng batas. Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling nakatuon ang PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko at paghahatid ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO https://www.facebook.com/share/p/14wymsBBKcJ/

