Naglabas ng paalala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Christopher N Abrahano, Acting Regional Director, sa publiko na panatilihin ang kaayusan at disiplina sa mga pagtitipon kasabay ng pagho-host ng bansa sa 49th ASEAN Summit.
Nabatid na binigyang-diin ng NCRPO na iginagalang nito ang konstitusyonal na karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag at magtipon nang mapayapa. Gayunpaman, pinaalalahanan ang lahat na ang karapatang ito ay may kaakibat na pagsunod sa batas at pananagutan.
Alinsunod sa Batas Pambansa Blg. 880, kinakailangan ang permit sa mga pampublikong pagtitipon sa labas ng mga itinalagang freedom park. Ang lahat ng pagtitipon, kabilang ang mga isinasagawa sa freedom park ay dapat manatiling mapayapa at hindi makagambala sa kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Narito na man ang kasong kakaharapin sa mga lumabag nito, paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880, Resistance and Disobedience sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code, kung may pagsuway sa mga legal na utos ng awtoridad, at iba pang kaukulang kaso kung mauwi sa karahasan ang pagtitipon.
Patuloy namang nakatutok ang NCRPO sa buong Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, gayundin ng mga delegado at panauhin sa kabuuang pagdaraos ng pandaigdigang pagtitipon.
Source: NCRPO

