Sa gitna ng hamon na dulot ng patuloy na pag-aalboruto ng Bulkang Mayon, pinatunayan ng Tabaco City Police Station (CPS) na ang tunay na serbisyo ng kapulisan ay hindi lamang nasusukat sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, kundi maging sa pagbibigay ng mga oportunidad upang muling makabangon ang mga pamilyang apektado ng kalamidad.
Bilang bahagi ng PNP Focused Agenda partikular sa Community Support at sa ilalim ng Project Alagang KA-SU-ROG, inilunsad ng mga miyembro ng Tabaco CPS ang isang livelihood training para sa mga evacuee noong Nobyembre 12, 2026, sa Buang Evacuation Center, Tabaco City.
Naging posible ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa Gender and Development (GAD) Office ng Local Government Unit (LGU) ng Tabaco City kung saan tampok ang talakayan tungkol sa Sustainable Livelihood Program at aktuwal na pagsasanay sa paggawa ng dishwashing liquid. Layunin nitong bigyan ang mga evacuee ng praktikal na kasanayan na maaari nilang pagkakitaan at maging panimulang hakbang tungo sa dagdag na kabuhayan habang nananatili sa evacuation center. Nakinabang sa programa ang 88 pamilya o kabuuang 301 indibidwal mula sa Brgy. Buang, kung saan 50 kalahok ang aktibong sumailalim sa pagsasanay.
Higit pa sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga evacuee, ipinapakita ng inisyatibong ito ang mas malawak na diwa ng Project Alagang KA-SU-ROG—kung saan hindi lamang pansamantalang tulong ang naihahatid sa mga apektadong pamilya, kundi pati kakayahan at pag-asang maaari nilang sandigan sa muling pagbangon.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), patuloy na isinusulong ng PRO5 ang hanay na may malasakit, nakikiisa, at aktibong nakikibahagi sa pag-unlad at katatagan ng mga pamayanan.
Sa bawat kasanayang naibabahagi, oportunidad na nabubuksan, at pamilyang natutulungang makabangon, higit na nagiging makabuluhan at nararamdaman ang adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1L51iWTQu7/?mibextid=wwXIfr

