Dalawang drug personalities, arestado sa buy-bust operation ng PRO CAR sa Kalinga

0
66

Arestado ang dalawang suspek na itinalagang drug personalities sa isinagawang buy-bust operation ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga noong Nobyembre 11, 2026. Nahaharap ang mga akusado, edad 23 at 27, sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos umanong magbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa mga operatiba.

Pinangunahan ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit, Tabuk City Police Station, at 1st Kalinga Provincial Mobile Force Company, katuwang ang Regional Intelligence Unit 14 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Kalinga. Narekober mula sa transaksiyon ang dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na 1.13 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php7,684.

Bukod dito, nakumpiska mula sa mga suspek ang limang karagdagang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 1.2 gramo at SDP na Php8,160, gayundin ang isang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na 10.25 gramo at SDP na Php1,230.

Dinala ang mga naarestong suspek at lahat ng nakumpiskang ebidensiya sa PDEU ng Kalinga Police Provincial Office para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon.

Tiniyak naman ng PRO CAR ang pagpapatuloy ng intelligence-driven operations at pakikipagtulungan sa PDEA, mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga at mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad sa Cordillera, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO CAR (https://www.facebook.com/share/p/1DdS8Xfttf/)

Leave a Reply