Mabilis na aksyon at koordinasyon ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang nagresulta sa pagkakaaresto ng limang suspek na umano’y sangkot sa budol-budol modus matapos tangayin ang halagang Php15,000 mula sa isang 79-anyos na babae sa Brgy. Binanuaan, Talisay, Camarines Norte, nitong Nobyembre 11, 2026.
Batay sa ulat, dakong alas 10:30 ng umaga, nabiktima si alyas “Nena,” residente ng nasabing brgy., ng limang suspek na umano’y gumamit ng budol-budol na modus upang makuha ang kaniyang perang nagkakahalaga ng Php15,000. Agad na tumakas ang mga suspek sakay ng isang pulang Hyundai Accent.
Bandang 12:05 ng tanghali, nakatanggap ng impormasyon ang Talisay Municipal Police Station (MPS) mula sa isang Barangay Kagawad hinggil sa insidente. Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation ang mga operatiba, kabilang ang pagsusuri sa CCTV footage ng Barangay Outpost na nakatulong sa pagkakakilanlan ng ginamit na sasakyan na may plakang NCJ 3206.
Dahil dito, kaagad na ikinasa ng Talisay MPS ang hot pursuit operation at nakipag-ugnayan sa Daet MPS upang maharang ang tumatakas na sasakyan.
Dahil sa mabilis na koordinasyon ng dalawang himpilan, matagumpay na naharang ng mga miyembro ng Daet MPS ang nasabing sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Mancruz, Daet, Camarines Norte. Dakong 3:00 ng hapon nang tuluyang maaresto ang limang sakay nito.
Kinilala ang limang naarestong suspek sa kanilang mga alyas na “Sisa,” 33 anyos, residente ng Bagbag, Quezon City; “Moymoy,” 29 anyos, residente ng Santo Domingo, Piat, Cagayan; “JR,” 27 anyos, residente ng Baggao, Cagayan; “Boboy,” 35 anyos, residente ng Norzagaray, Bulacan; at “Nonoy,” 32 anyos, residente ng Bagong Nayon, Antipolo City.
Sa isinagawang background verification, dalawa sa mga suspek ang may naitalang mga naunang kaso o police records, habang walang nakitang kaukulang rekord ang tatlo sa mga sinuring database.
Kasalukuyan nang inihahanda ng imbestigador ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga naarestong indibidwal sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Patuloy namang pinaiigting ng PRO5 ang kanilang kampanya laban sa mga mapanlinlang na gawain pati na rin ang ibang uri ng kriminalidad, kasabay ng panawagan sa publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1W6G1fHTkk/?mibextid=wwXIfr

