Rank 2 Most Wanted Person sa kasong murder at frustrated murder, arestado ng PRO4A sa Pitogo, Quezon

0
54

Nagwakas ang mahigit walong taong pagtatago sa batas ng Rank 2 Regional Level Most Wanted Person na si alyas “Noel,” 49, matapos siyang maaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 4A (PRO4A) sa isang joint operation sa Brgy. Burgos Ibaba, Pitogo, Quezon, bandang 9:50 ng gabi noong Nobyembre 11, 2026.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Pitogo Municipal Police Station, katuwang ang 85th Infantry Battalion at 42nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa ilalim ng 902nd Infantry Brigade, at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company. Naaresto ang suspek sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu noong Abril 26, 2018, kaugnay ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act, murder, at frustrated murder.

Matapos ang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine at sa mga probisyon ng Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009. Gumamit din ang mga operatiba ng dalawang Alternative Recording Devices (ARD) bilang bahagi ng pagsunod sa mga itinakdang pamamaraan sa operasyon. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Pitogo Municipal Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at iba pang legal na proseso.

Ayon kay PBGen Dominic L Baccay, Regional Director, Police Regional Office 4A, malinaw na ipinapakita ng pagkakaarestong ito na hindi titigil ang Pulis CALABARZON sa pagtugis sa mga wanted person, gaano man katagal o kalayo ang kanilang pagtatago. “Walang lugar na ligtas para sa mga nagtatago sa batas. Sa mga may warrant para sa murder at frustrated murder, malinaw ang aming mensahe: susundan namin ang bawat legal na hakbang upang kayo ay maaresto at maiharap sa hukuman. Huwag nang hintaying kami ang sumundo sa inyo. Mananagot kayo sa batas,” aniya.

Ipinapakita rin ng matagumpay na operasyon ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga ahensiya at propesyonal na pagpapatupad ng batas, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO4A (https://www.facebook.com/share/p/1E3JQ7n6eH/)

Leave a Reply