Apat na suspek ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya matapos tangkaing dukutin ang isang lalaki sa Brgy. Maguyam, Silang, Cavite, bandang 2:15 ng hapon noong Nobyembre 11, 2026. Matagumpay namang nasagip ang biktima dahil sa mabilis na pagresponde at koordinasyon ng mga kapulisan.
Batay sa paunang imbestigasyon, dumating ang mga suspek sakay ng isang van at nagpanggap na mga kostumer na naghahanap sa biktima. Sapilitang pumasok umano ang mga suspek sa gusali at nagtungo sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang lalaki. Nang tangkain nilang piliting isakay ito sa kanilang sasakyan, agad na isinara ng security guard ang pangunahing gate ng compound upang mapigilan ang kanilang pagtakas.
Agad na rumesponde ang mga miyembro ng Silang Municipal Police Station at Cavite Provincial Mobile Force Company na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na suspek. Nasamsam sa operasyon ang isang kalibre .45 na may walong bala, isang kalibre .38 na revolver na may tatlong bala, isang patalim, at ang van na ginamit sa tangkang pagdukot.
Isasailalim ang mga suspek sa kaukulang imbestigasyon at inquest proceedings upang matiyak ang wastong pag-usad ng kaso at pananagutin sila alinsunod sa batas. Muling ipinakita ng operasyon ang kahalagahan ng maagap na pagtugon at pakikipagtulungan ng kapulisan at pribadong security personnel sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko, kaakibat ng adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO4A (https://www.facebook.com/share/p/1EFyk8U9Pz/)

