Arestado ang dalawang Regional Most Wanted Persons na kapwa nahaharap sa kasong rape ng mga operatiba ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa magkahiwalay na manhunt operation sa Aklan noong Nobyembre 11, 2026. Kabilang dito ang isang akusadong may warrant of arrest na inilabas pa noong 2021.
Unang naaresto dakong 11:30 ng umaga sa Brgy. Ochando, New Washington, Aklan, si alyas “Ian,” 21 taong gulang, na Rank 9 Regional Most Wanted Person.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong statutory rape, kaugnay ng Republic Act No. 11648, na inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Branch 3, Kalibo, Aklan noong Nobyembre 6, 2026. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Samantala, dakong 2:30 ng hapon, naaresto sa Brgy. Loctuga, Libacao, Aklan si alyas “Odi,” 22 taong gulang, na Rank 10 Regional Most Wanted Person.
Nahaharap din ito sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 1(a) ng Revised Penal Code, batay sa warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 3, Kalibo, Aklan noong Agosto 1, 2021. Wala ring inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pinangunahan ng New Washington Municipal Police Station (MPS) at Libacao MPS ang magkahiwalay na operasyon, katuwang ang Police Intelligence Team (PIT) Aklan, Regional Intelligence Unit 6 (RIU6), Aklan PPO Trackers Team, at 1st Aklan Provincial Mobile Force Company.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya ang dalawang naarestong akusado para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago iharap sa mga hukuman kung saan nakabinbin ang kanilang mga kaso.
Binigyang-diin ni PBGen Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, na patuloy ang pagtugis ng kapulisan sa mga wanted person, gaano man katagal ang lumipas mula nang mailabas ang kanilang mga warrant of arrest alinsunod sa hangarin ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbiyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
“Hindi tumitigil ang ating kapulisan sa pagtugis sa mga wanted person, gaano man katagal silang nagtatago. Sa tiyaga ng ating mga operatiba at mahalagang pakikipagtulungan ng mamamayan, walang ligtas na pagtataguan ang mga taong may nakabinbing warrant of arrest. Patuloy nating paiigtingin ang mga operasyong ito upang matiyak na maipatutupad ang batas at makamit ng mga biktima ang katarungan,” ani PBGen Tuaño.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1CH7Drpe6R/?mibextid=wwXIfr

