Patuloy na nakapagtala ng mga paglabag ang Safer Cities Initiative Campaign ng Cebu Police Provincial Office (PPO), matapos makapagtala ang himpilan ng tinatayang nasa 541 indibidwal na nahuling lumabag ng mga lokal na ordinansa sa isang araw na operasyon ng kapulisan sa lalawigan nito lamang November 9, 2026.
Aabot sa 373 operasyon ang naisakatuparan ng Cebu PPO kaugnay sa naturang kampanya sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Sa kabuuang 541 indibidwal na nahuli, 352 violators ang pinagmulta habang 188 naman ang binigyan ng warning.
Sa mga nahuling indibidwal, 75 sa mga kaso ang may kaugnayan sa pag-iinom wq pampublikong lugar, 21 namanang nahuli dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar, 19 naman ang nahuli na walang damit pang-itaas, habang 61 ang lumabag sa curfew hours para sa mga menor de edad, at 13 kaso naman ang nahuli dahil sa pagkakaraoke ng lagpas sa takdang oras.
Bahagi ang naturang kampanya sa patuloy at walang sawang pagpapatupad ng Pambansang Pulisya ng mga hakbang upang maiwasan ang anumang uri ng krimen at tiyaking ligtas at payapa ang mga lokal na komunidad alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Binigyang-diin naman ni PCol Abubakar Udang Mangelen Jr., Provincial Director ng Cebu PPO, ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na kampanya ng Safer Cities Initiative upang masiguro ang disiplina ng publiko partikular na sa pagsunod sa mga ipinapatupad na mga batas gaya ng mga lokal na ordinansa.
Tiniyak naman ni PBGen Arnold Evangelista Abad, Regional Director ng Police Regional Office 7 (PRO7), na hindi titigil ang kapulisan ng rehiyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad maging sa paglaban sa lahat ng uri ng krimen at ilegal na aktibidad.
Source: https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=pfbid0385d5um4wUfAcBx9dtv5FJUj9sZZHoeECWS17XJsQk3yYP7JoDbtRrjRhQiELF9xWl&id=100064779845872&mibextid=wwXIfr

