Nagkaisa ang Philippine National Police (PNP) at National Labor Relations Commission (NLRC) sa pagpapaigting ng kanilang koordinasyon upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga legal na proseso kaugnay ng mga usaping paggawa. Pinagtibay ang naturang partnership sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Nobyembre 6, 2026, sa PNP Star Officers’ Lounge, NHQ Building, Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City.
Kinatawan ni PLTGEN Neri Vincent D. Ignacio, Acting Chief, PNP for Operations, si PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa naturang aktibidad. Kasama rin sa okasyon sina NLRC Chairperson Hon. Grace E. Manquiz-Tan at Commissioner Hon. Donna C. Ramos ng 6th Division.
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang dalawang ahensya sa pagbibigay ng kinakailangang impormasyon at angkop na tulong-pulisya upang masuportahan ang pagpapatupad ng mga pinal na desisyon, writs, orders, at iba pang legal na proseso ng NLRC. Inaasahang makatutulong ito sa mas maayos at epektibong pagpapatupad ng mga desisyon kaugnay ng mga usaping paggawa.
Binigyang-diin ni PGen Nartatez na ang pagbibigay ng tulong-pulisya ay dapat nakabatay sa propesyonalismo, pagiging walang kinikilingan, paggalang sa due process, at pangangalaga sa karapatang pantao. Tiniyak niyang mananatiling patas at responsable ang PNP sa pagtupad sa tungkulin nito, habang iginagalang at pinangangalagaan ang mga karapatan ng kapwa manggagawa at employer.
Bahagi ang partnership na ito ng pagsusulong sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO) at Integrity Monitoring, sa pamamagitan ng responsableng pagpapatupad ng batas at epektibong koordinasyon ng mga ahensya. Pinagtitibay nito ang paninindigan ng PNP na itaguyod ang katarungan, pangalagaan ang karapatang pantao, at maghatid ng serbisyong naaayon sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/19Q1ZJ1qk7/)

