4th Quarter NSED 2026, inilunsad ng PRO1; maagap at epektibong pagtugon sa oras ng sakuna, binigyang-diin

0
41

Matagumpay na inilunsad ng Police Regional Office 1 (PRO1) ang 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) noong Nobyembre 5, 2026, ganap na alas 9:00 ng umaga, upang higit pang mapalakas ang kahandaan ng mga kapulisan sa rehiyon sa pagtugon sa mga emergency na dulot ng lindol.

Sa pangunguna ni PBGen Crisaleo R. Tolentino, Regional Director ng PRO1, isinagawa ng mga kapulisan ang wastong pamamaraan ng “Duck, Cover, and Hold” bilang pangunahing hakbang sa pag-iingat tuwing may lindol.

Ipinamalas din ng mga kalahok ang kanilang kakayahan sa pagsagip ng mga nasugatan, tamang paghawak at paglikas sa mga biktima, gayundin ang paggamit ng spine board para sa wastong immobilization at ligtas na paglilipat ng mga pasyenteng may posibleng pinsala.

Bukod dito, ipinakita rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Go Bags at iba pang kagamitang pangkaligtasan na mahalaga sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.

Binigyang-diin ng aktibidad ang kahalagahan ng kahandaan, pagiging alerto, pagtutulungan at maayos na koordinasyon upang matiyak ang maagap at epektibong pagtugon sa oras ng mga sakuna.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay, pinatitibay ng PRO1 ang kakayahan ng mga miyembro nito na hindi lamang mapangalagaan ang kanilang sarili kundi maging handang tumulong at magligtas ng buhay sa oras ng pangangailangan, alinsunod sa layunin ng PNP na maghatid ng serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng mamamayan.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: PRO 1 https://www.facebook.com/share/p/1F6y7V3bLL/

Leave a Reply